Author/s: Cabading, Ryanbille R.
Year: 2017
Hindi maikukubling isa sa pinakamahalagang dapat linangin ng mga magaaral ay ang gawaing pagsulat anumang pangkat etniko sila nabibilang sapagkat dito nasususukat ang kakayahan nila sa pag-unawa, lawak ng pananaw at karanasan sa paksang susulatin. Isinagawa ang pananaliksik na ito upang tugunan ang mga kahinaan ng mga mag-aaral sa apat na makrong kasanayan sa pagsulat gamit ang Balidong Sanayang Aklat sa Pagsulat. Sa pananaliksik, nagkaroon ng pagpapasulat ng komposisyon na binubuo ng pre at post – writing sa labing-anim na mag-aaral. Ginamit ang balidong rubrik sa pagwawasto ng komposisyon upang matukoy ang mga tiyak na kahusayan at kahinaan ng mga mag-aaral sa pagsulat hinggil sa kasanayang pangnilalaman, pangkayarian, pansemantika, at pansintaks. Ginamit din ang frequency count, pagkompute ng simple mean at T-test upang mailahad ang antas at pagkakaiba ng kakayahan ng mga mag-aaral sa sulating pormal (Prewriting) at muling pagpapasulat (Post-writing). Natuklasang mahina ang antas ng pagsulat ng mga mag- aaral sa sulating pormal kaya ipinagamit ang balidong Sanayang Aklat sa Pagsulat. Sa paggamit ng balidong Sanayang Aklat sa Pagsulat umunlad at naging mahusay ang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral sa muling pagpapasulat (Post-writing). Mula sa naging resulta, masasabing napakaepektibo ang balidong Sanayang Aklat sa Pagsulat sa pagpapaunlad ng kakayahang pagsulat ng mga mag-aaral kaya iminungkahi ng mananaliksik na mahalagang ipagamit ito ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral sa paghubog ng kakayahan sa pagsulat ayon sa kasanayang pangnilalaman, pangkayarian, pansemantika, at pansintaks.